Puganteng Korean national, timbog ng PDEA

MANILA, Philippines - Isang Korean national na umano’y wanted sa kanilang bansa ang nadakip ng mga ope­ratiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang lugar sa Malate Manila, ayon sa ulat kahapon.

Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr., si Eun Sun Woo, pugante na galing South Korea ay naaresto ng PDEA Regional Office National Capital Region (PDEA RO-NCR) sa pangu­nguna ni Director Wilkins Villanueva.

Sabi ni Cacdac, ang pagkakadakip sa suspect ay bunga ng text messages na nakarating sa kanilang tanggapan hingil sa kinaroonan nito kasama ang kanyang Pinay na girlfriend sa loob ng isang kilalang casino sa Mabini, Manila, ganap na alas- 8 ng umaga.

Sinasabing naispatan ng PDEA agents ang suspek na naglalaro sa loob ng casino at nang lumabas ay agad nila itong sinundan hanggang sa sumakay ng isang taxi at bumaba sa isang gasolinahan sa Quirino Avenue, Malate Manila saka naglakad pa­tungong Adriatico St.

Dito na nilapitan  ng  PDEA agents ang dayuhan saka inimbitahan sa kanilang tanggapan, ngunit sa halip na sumama ay nagtatakbo umano ito hanggang sa nasukol sa harap ng isang hotel hindi kalayuan sa kanyang pinagbabaan.

Sabi ni Cacdac, si Eun ay nahatulan ng korte noong March 20, 2009  dahil sa paglabag sa iligal na droga sa South Korea  at hinatulan ng tatlong taong pagkakakulong sa Korean Correctional Service sa  Gonju.

Aminado si Eun na nilabag niya ang Philippine Immigration Laws pero itinanggi niya na may ginawa siyang masama sa South Korea.

Tinangka pa umanong suhulan ng Koreano­ ang mga humuling PDEA agents na napagkamalan niyang mga Immigration Officers.

Hiniling naman ni Mr. Park Yongjeung, Second Secretary and Consul ng Embahada ng  Republic of Korea sa PDEA na ikulong sa Immigration Detention Facility sa Bicutan, Taguig City para maisaayos ang deportasyon ng mga papeles ng suspek.

Show comments