Binata binistay ng bala

MANILA, Philippines - Anim na tama ng bala sa ulo at katawan ang tumapos sa buhay ng isang binata makaraang pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang salarin  sa isang eskinita sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.

Si Elmer Matubay, 23, ay nakita na lamang naliligo sa sarili nitong dugo habang walang buhay na nakasubsob sa isang eskinita, ayon kay PO2 Roldan Cornejo, may-hawak ng kaso.

Sabi ni Cornejo, walang makapagsabi kung papaano pinaslang ang biktima, dahil  nakita na lamang umano ang dalawang lalaki na papalayo sa nasabing lugar makaraan ang mga putok ng baril.

Ayon sa ulat, si Matubay ay natagpuan na lamang ng residenteng si Annaliza Aguda sa may gilid ng isang bahay sa Adarna St., Brgy. Commonwealth, ganap na alas-2:10 ng madaling-araw. Sabi ni Aguda, nagbabantay siya sa kanyang tindahan nang makarinig siya ng mga putok ng baril.

Agad niyang tiningnan ang lugar para matiyak kung saan niya nakita ang bangkay ng biktima.

Agad na ipinagbigay alam ni Aguda ang nakita sa barangay na siya namang tumawag ng responde mula sa pulisya

Sa pagsisiyasat, narekober sa lugar ang tatlong piraso ng basyo ng kalibre 45 baril, isang depormadong slug at dalawang piraso ng plastic sachet na naglalaman ng hini­hinalang shabu.

Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing in­sidente.

 

Show comments