Napagkamalang police informer: Bading itinumba sa inuman

MANILA, Philippines - Binaril at napatay ang isang 38-anyos na bading na sinasabing napagkamalang police informer laban sa mga tulak ng iligal na droga sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ni SPO1 John Charles Duran ng MPD-Ho­micide Section ang biktimang si Gilbert Sison, alyas “Ashley­”, ng Int.15 Ma. Guizon St., Tondo, Maynila na nagtamo ng dalawang tama ng kalibre .45  baril sa ulo na ag­ad na binawian ng buhay.

Naganap umano ang insidente dakong alas-2:50 ng madalling-araw habang na­kikipag-inuman ang biktima sa kanyang mga kaibigan sa lugar.

Sinabi ng isang Christopher Rivera, kaibigan ng nasawi, dumating ang lalaking may dalang baril habang nag-iinuman sila sa riles ng Philippine National Railways (PNR) at agad daw pinapu­tukan ang biktima kaya sila nagsitakbuhan ng kani-ka­niya.

Base sa nakarating na im­pormasyon sa pulisya, posible umanong napagkamalan ang biktima na nagbibi­gay ng impormasyon kaug­nay sa talamak na bentahan ng droga sa lugar na naging dahilan para maaresto ang hinihinalang nagtutulak ng droga sa bahagi ng Dagupan, sa Tondo.

Gayunman, patuloy pa ring iniimbestigahan ang na­ turang insidente.

Show comments