MANILA, Philippines - Nasunog ang New Divisoria Mall sa lungsod ng Maynila kahapon ng haÂtinggabi.
Umabot sa Task Force Charlie ang sunog na naganap sa New Divisoria Mall sa kanto ng Tabora at Komersiyo Sts. sa Maynila na nagsimula bandang alas-12 ng hatinggabi ngunit habang sinusulat ang baÂlitang ito ay hindi pa rin naaapula ng mga bombero ang sunog.
Nabatid mula sa Manila Fire Bureau, na galing sa basement ng mall ang apoy na ayon sa salaysay ng mga guwardiya ay suÂmabog ang isa sa mga freeÂzer dito na pinaniniwalaang nag-overheat.
Nagkaroon din ng tensiyon matapos na makulong sa ikalawang palapag ng mall ang guwardiyang si Teodoro Enriquez at utility crew na si Franklin Peralta ngunit sila ay naisalba naman ng mga bumbero sa pamamagitan ng lubid at inilagay na hagdan.
Wala namang nagawa ang mga nagnenegosyo sa New Divisoria Mall kundi panoorin na lamang ang nasusunog na gusali.
Pawang mga dry goods tulad ng mga laruan, tela at damit na binebenta ng kilu-kilo ang mga nasunog kayat mabilis na kumalat ang apoy.
Nabatid na posibleng abutin pa ng dalawang araw ang pag-apula sa apoy dahil sa malalaking pader na kumukulong sa makapal na usok.
Ito umano ang dahilan kaya kahit na may mga breathing apparatus ang mga bumbero ay nahirapan.