Brgy. tanod itinumba

MANILA, Philippines - Binaril at napatay ang isang 40-anyos na barangay tanod ng isang binata na nagtanim ng galit sa una, habang sugatan naman sa ligaw na bala ang isang binatilyo na nag-iigib ng tubig sa Malate, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Namatay habang ginagamot ang biktimang si Ariel Que, ng M. Adriatico St., Malate, barangay tanod ng Brgy. 204,  Zone 77, District  5,  habang patuloy na ino­obserbahan  sa Ospital ng Maynila ang 13-anyos na si Jude Anthony Tomnog, ng Madre Ignacia St., Malate.

Pinaghahanap na ang suspect na kilala sa pangalang Sorab Vallo, at nakatira rin sa  nabanggit na lugar.

Sa ulat ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-7:00 ng gabi noong Sabado nang abangan ng suspect ang biktima sa paglabas ng bahay at nang mamataan ay sunud-sunod na pina­putukan.

Nang makita ni Christopher, anak ng biktima, ang nangyari sa ama ay agad na dinala sa Ospital ng Maynila subalit hindi rin naisalba ang buhay nito.

Nauna rito, nabatid na  sinita at pinagalitan ng biktima ang nobya ng suspect dahil palaging nakatambay sa kanilang lugar na inaabot ng ha­tinggabi. Nagsumbong umano ang babae sa nobyong­ suspect na nagtanim ng galit sa tanod kung saan isinagawa ang pagpaslang.

Show comments