Campaign materials na iligal na ikinabit binaklas ng Comelec

MANILA, Philippines - Kumilos na rin ang lokal na sangay ng Commission on Elections sa Parañaque City katuwang ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nang pagbabaklasin ang mga campaign materials ng mga kandidato na iligal ang pagka­kakabit sa Sucat Road ng naturang lungsod kahapon.

Nabatid na umabot ng halos isang trak ng mga poster, tarpaulins, at iba pang materyales sa pangangampanya ng mga kandidato ang hinakot ng Comelec at MMDA na nabaklas lamang sa kahabaan ng Sucat Road hanggang sa South Luzon Expressway.

Ayon kay Atty. Jonalyn Savellano, Election Officer ng Comelec-Parañaque, kabilang sa kanilang mga pinagbabaklas ay ang mga poster na nakakabit sa ipinagbabawal na lugar tulad ng puno, poste at kawad ng kuryente.  Binaklas din ang mga poster na nasa common­ poster area na sobra ang sukat.

Ayon sa Comelec, patuloy pa rin ang paglabag hindi lang mga lokal na kandidato ngunit maging mga tumatakbo sa nasyunal na posisyon lalo na ang mga “partylist” sa kabila ng paulit-ulit na paalala at kampanya sa telebisyon ng Comelec.

Padadalhan ng “notice” ang mga kandidatong ka­sama ang mga posters sa mga nabaklas at sa susunod na lumabag pa ang mga ito ay sasampahan ng kasong paglabag sa Fair Elections Act na maaaring mangahu­lugan ng diskuwalipikasyon sa kanilang kandidatura.

Una nang nagbaklas ng mga posters at campaign materials ang Comelec sa Pasay City habang inaasahan naman na magsasagawa rin ng kahalintulad na operasyon ang ibang lokal na sangay ng Comelec sa ibang mga lungsod sa Kamaynilaan.

Show comments