Snatcher todas sa biniktima

MANILA, Philippines - Isang hinihinalang snatcher ang napatay ng  lalaki na kanyang biktima kamakalawa ng gabi sa Sampaloc, Maynila.

Sa imbestigasyon ni officer on case Ronald Gallo ng MPD homicide section, namatay si Renato Sanchez, 30, ng Isarog St., Quezon City at nagbebenta ng sigarilyo sa mga pampasaherong jeep.

Dakong alas-8:15 ng gabi nang naganap ang insidente sa loob ng pampasaherong jeep kung saan hinablot umano ni Sanchez ang kuwintas ng suspect sa Quiapo at matapos ay agad na lumipat sa  dyip na may rutang  Dapitan-Quiapo.

Sinundan umano ng suspect si Sanchez at ina­butan ang dyip na sinakyan nito sa  kanto ng Laon Laan at Gelino Sts., Sampaloc, Maynila at sinabihan umano ng una ang huli na ibalik ang  kuwintas na kanyang kinuha.

Agad namang inilabas  ng  biktima mula sa kanyang bulsa ang nasabing alahas at ibinigay sa suspect.

Matapos maibigay ni Sanchez ang alahas sa suspect ay sinabihan naman ng suspect ang apat pang pasahero na bumaba na ng dyip upang hindi na madamay pa.

Pagkababa ng mga pasahero ay bumunot na umano ng hindi mabatid na kalibre ng baril ang salarin saka ipinutok sa iba’t ibang bahagi ng katawan ni Sanchez saka tumakas.

Show comments