Platoon ng sundalo idedeploy sa Maynila

MANILA, Philippines - Dumating na kahapon sa Manila Police District (MPD) headquarters ang mahigit isang platoon  na binubuo ng 55 miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) upang ipakalat sa 11 police stations dito, bilang preparasyon sa nalalapit na halalan sa Mayo 13.

Ayon kay Police Com­munity Relations chief, P/Supt. Frumencio Bernal, ikakalat  ang tig-5 sundalo sa bawat police station na magiging ka-buddy ng organic members ng MPD sa mga isasagawang checkpoints at pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan kaugnay sa nalalapit na eleksiyon.

“Hindi naman itinuturing na hotspot ang Maynila, normal naman ang pagpapadala ng mga sundalo kasi sa tuwing may eleksiyon ganyan naman,” ani Bernal.

Nabatid na ang deployment sa mga nasabing sundalo sa Maynila ay kabilang sa ipinatutupad na Regional Joint Security Coordinating Council (RJSCC), ang kasunduan sa pagitan ng Commission on Elections (Comelec) na pinamumunuan ni  NCR Director Atty. Jubil Surmieda, Philippine National Police (PNP) at AFP.

Inaasahang may ka­ragdagan pang deployment ng mga sundalo isang linggo bago ang araw ng halalan.

Show comments