Summary execution victim natagpuan

MANILA, Philippines - Isa na namang bangkay ng hindi kilalang lalaki na may palatandaan pinahirapan ang natagpuan sa bahagi ng Quezon City kahapon ng umaga.

Ayon kay PO2 George Caculba, ang biktima na walang pagkakakilanlan ay isinala­rawan lamang sa edad na 30-35, may taas na 5’5-5’6, nakasuot ng itim na t-shirt at checkered na short pants.

Sinabi ni Caculba, natagpuan ng isang kawani ng Mared Rubbers Tire Services ang biktima habang naka­handusay sa bisinidad ng Block 43, Lot 6, Regalado Street, Fairmont Subdivision, North Fairview.

Napag-alamang nagbabasa ang kawaning si Henry Fernandez nang mapuna niya ang nakahilatang lalaki kung saan ng kanyang lapitan ay saka nito nabatid na patay.

Agad na ipinabatid ni Fernandez sa ilang opisyal ng barangay kung saan tumawag ng pulis para magsagawa ng imbestigasyon.

Sa pagsisiyasat, nadiskubre na ang biktima ay may palatandaang sinakal kung saan iginapos ang mga kamay, braso at paa.

Pinaniniwalaang pinatay sa sakal ang biktima, habang ito ay nakagapos.

Show comments