Akyat-bahay sumalakay: P3.5-M tangay; condo unit ng ABS-CBN producer nilimas

MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa P3.5 milyong halaga ng ari-arian ang nalimas ng Akyat-Bahay Gang matapos looban ang dalawang bahay sa magkahiwalay na nakawan sa Quezon City, ayon sa ulat kahapon.

Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, ang mga biktima ay nakilalang sina Teresita Littaua, 73; Juanito Littaua, 80; at si Dehlia Littaua, 53, pawang nakatira sa Barangay Sacred Heart, Quezon City.

Ayon kay SPO1 Cristituto Zaldarriaga, bago ang insidente ay umalis ang pamilya Littaua sa kanilang bahay at nagpunta sa mall upang kunin ang eye glasses ni Juanito.

Subalit makalipas ang alas-7 ng gabi nang bumalik sa kanilang tahanan ang pamilya Littaua ay napansing bukas na ang main door na sinasabing winasak.

Ayon kay SPO1 Zaldarriaga, natangay sa mga biktima ang iba’t-ibang uri ng mamahaling alahas, at mga relos na may kabuuang P3.5 milyon.

Samantala, nilooban din ng Akyat-Bahay Gang ang condo unit ng executive producer ng news program na Umagang kay Ganda ng ABS-CBN na si Sheilla Diamse, 28, ng Emari Bldg. sa panulukan ng Fernandez at T. Morato Street sa Barangay Sacred Heart noong Biyernes.

Kabilang sa mga gamit na nilimas ay ang laptop, SLR camera, dalawang fossil watch gold at silver, Anne Klein silver watch, dalawang external hardrives, at P500 cash.

Sa ulat ni SPO2 Bobby Castillo, ang pagnanakaw ay nadiskubre matapos umuwi ang biktima noong Sabado ng hapon.

Nagawang pasukin ng akyat-bahay ang condo unit ng biktima matapos dumaan sa pader ng restaurant na nasa likuran bahagi ng gusali kung saan pumasok sa nakabukas na bintana ng unit.

Show comments