Kristel inilibing na

MANILA, Philippines - Matapos ang halos isang linggong pagluluksa, inihatid na sa kanyang huling hantungan si Kristel Tejada,  ang  freshman Behavioral Science student ng University of the Philippines-Manila na sina­sabing nagpakamatay dahil sa hindi nakapagbayad ng matrikula.

Dakong alas-2:00 ng hapon nang ihatid  ng kanyang mga magulang, kapatid, mga kaibigan, mga propesor at kaeskuwela si Kristel sa Manila North Cemetery sa Sta. Cruz, Maynila.

Samantala ilang oras bago ihimlay si Kristel sa kanyang huling hantungan, nangako si UP President Alfredo Pascual na gagawa ng paraan upang makapagpatupad ng mga pagbabago na magreresolba sa mga isyung pinaniniwalaang ugat sa pagpapakamatay ng dalaga.

Matatandaang nagpakamatay umano si Kristel matapos obligahing magsumite ng leave of absence dahil sa kawalan ng kakayanan na magbayad ng matrikula.

Dahil sa naturang insidente, sumiklab ang galit ng publiko lalo na mula sa panig ng mga estudyante, cause-oriented groups at iba pang sektor.

Naging dahilan din ito upang alisin ng UP ang kanilang panuntunan kaugnay sa nababalam na pagbabayad ng tuition ng kanilang estudyante.

Kasabay ng kanyang pakikiramay sa pamilya Tejada, tiniyak ng UP president na ang mga kuwa­lipikadong estudyante ng state university ay hindi mapagkakaitan ng pagkakataon upang makapagpa­tuloy ng pag-aaral lalo na kung ang dahilan lamang ay ang pinansiyal.

Lubha aniya silang nalungkot sa untimely death ni Kristel na tinatanggap din niya na malaking dahilan ngayon ng kanilang pagkakawatak-watak.

Nakikiisa aniya siya sa pagdadalamhati ng mga guro sa UP, mga estudyante, kamag-anak at mga kaibigan ni Kristel.

 

Show comments