Sekyu patay sa holdap

MANILA, Philippines - Isang security guard ang nasawi makaraang barilin ng isa sa dalawang holdaper na tumangay sa perang kinita ng isang mini-mart sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.

Si Romeo Roxas, 53 ng Caloocan City ay nagawa pang maitakbo sa malapit na ospital, pero binawian din ng buhay dahil sa tama ng bala sa likod na naglagos sa sikmura.

Nabatid na si Roxas ay security guard na nakatalaga sa Grocer mini-mart na matatagpuan sa may Ramirez St., Brgy. Nova Proper, Novaliches.  Nakatakas naman ang mga suspect tangay ang pera na nagkakahalaga ng P41, 300 na kita ng nasabing establisimento.

Nangyari ang insi­dente ganap na alas- 3:15 ng hapon.

Bago ito, ini-iskortan umano ng biktima ang isang Grace Marcial sa pagde-deliber ng pera sa kanilang opisina malapit lamang sa naturang mini-mart. Pero pagsapit sa lugar, at bubuksan ni Marcial ang gate ng opisina ay biglang sumulpot ang isa sa mga suspect at agad na binaril sa likod ang biktima.

Kasunod nito, biglang hinablot ng suspect kay Marcial ang kahon na nag­lalaman ng pera, habang ang isa sa mga suspect naman ay kinuha ang dalang service firearm ng biktima, saka sabay na nagsipagtakas patungo sa Susano Road, Novaliches.

Isinugod ang biktima sa Novaliches General Hospital pero makalipas ang halos isang oras na gamutan ay idineklara din itong patay. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente.

Show comments