MANILA, Philippines - Walang piyansang inirekomenda ang piskalya ng Maynila laban sa apat na illegal recruiter na una nang nadakip ng mga tauhan ng Manila City Hall Action and Public Assistance (CHAPA) kamakailan sa Ermita, Maynila.
Ayon kay Sr. Insp. Rolando Lorenzo, Jr. hepe ng CHAPA, kinasuhan ng Syndicated Estafa, (Illegal Recruitment) Large Scale at City Ordinance (Working Without Permit sina Dennis Abellon, 27, may-ari ng Marhaba International Management Services Co.; Emma Palalon, 34, Secretary; Rommel Palmes 33, Desk Officer ; at Gemma Palilio, 32, Liason Officer.
Ang apat ay inireklamo ng may 50 biktima na umano’y pinangakuan ng mga suspect na makapagtatrabaho bilang nurse sa bansang Vienna Austria at London England na sasahod ng aabot sa P75, 000.00
Nabatid na hiningan ng mga suspect ang bawat biktima ng P130,000 bilang placement fee at P5,500 para sa medical examination.
Sa pagnanais na makaÂpagtrabaho sa ibang bansa, nagbigay ang apat na biktima ng tig P25,000 noong Pebrero 2012 kung saan ipinangako ng mga suspect na makakaalis sila sa loob ng dalawang buwan na hindi naman natupad hanggang sa lumipas ang isang taon.
Dala ng pagdududa agad na humingi ng ayuda ang mga biktima noong Pebrero 27 sa tanggapan ng Manila- Chapa at isinagawa ang entrapment operation laban sa mga suspect dakong ala 1 ng hapon sa Marhaba International Management Services Co.