Helper todas sa magka-live-in

MANILA, Philippines - Patay ang isang truck helper na armado lamang ng isang putol na kahoy nang  pagtulungang saksakin ng magka-live-in sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.

Binawian ng buhay habang ginagamot sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang biktimang si Justine Mangalonzo, residente ng no. 363 Victor Lopez  compound, C-2 Capulong st., Tondo.

Sa ulat ni  SPO2 Milbert Balinggan ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-2:20 ng madaling araw nang maganap ang nasabing insidente sa kahabaan ng C-2 Capulong bridge sa Capulong Highway, sakop ng Brgy. 93 Zone 8.

Nakatakas naman ang mga suspect na kinilala lamang sa alyas na Jose at live-in partner na si alyas Negra, kapwa residente sa ilalim ng tulay ng Raxabago st., Tondo.

Nag-away umano ang biktima at si Jose at sa gitna ng  komprontasyon ay naghamong suntukan ang huli kaya umuwi ng bahay ang una at nagbitbit ng armas na kahoy.

Pagbalik ng biktima ay hinataw nito si Jose na tumama sa binti ng live-partner ni Jose na si Negra na natumba.

Nang bumangon si Negra ay hinawakan nito ang binti ng biktima kung kaya’t nagkaroon ng  pagkakataon si  Jose na undayan ng saksak ang biktima.

Ilang  tambay sa lugar ang nagtulong-tulong na maisugod ito sa nasabing pagamutan, subalit bandang 3:55 ng mada­ling araw, binawian na ito ng buhay.

Show comments