19-anyos dedo sa rider

MANILA, Philippines - Hinihinalang labanan ng magkakalabang gang ang dahilan ng pamamaslang sa isang 19-anyos na lalaki na binaril nang malapitan sa ulo ng isang salarin na lulan ng motorsiklo, kama­kalawa ng madaling-araw sa Parañaque City. Isang tama ng bala ng kalibre .45 sa ulo ang tinamo ng biktimang si Cavin Albano, binata at residente ng Apollo Eleven St., San Gregorio Village, Pasay City habang mabilis na nakatakas ang hindi nakilalang salarin, sakay ng hindi naplakahang motorsiklo. Sa inisyal na ulat ng Parañaque Police, naganap ang krimen­ dakong ala-1 kamakalawa ng madaling-araw sa kanto ng Pinag­labanan at Sta. Rita St., sa may Baclaran. Nakaistambay sa lugar ang biktima at barkadang si Paul Daniel Carolino, 19, nang lumapit ang isang lalaki na nakasuot pa ng crash helmet at agad na pinaputukan ang una  sa ulo. Nagtatakbo naman dahil sa matinding takot si Carolino kaya’t hindi na rin naplakahan ang motorsiklong gamit ng salarin. Ayon sa pulisya, posibleng labanan ng mga kabataang gangsters na naghahasik ng kaguluhan sa Baclaran ang motibo ng krimen.

 

Show comments