Nang-hostage sa nobya, bulagta sa parak

MANILA, Philippines - Nabaril at napatay ng mga tauhan ng Parañaque City Police ang isang 28-anyos na lalaki matapos nitong i-hostage at undayan ng saksak ang kanyang dating nobya­ kahapon ng hapon sa na­turang lungsod.

 Isinugod pa sa Olivarez Hospital si Alexander Godo­fredo, ngunit hindi na umabot ng buhay dahil sa tama ng bala sa ulo at katawan.

Agad namang nilapatan ng lunas dahil sa tinamong apat na saksak sa hita at dibdib ang kasintahan nitong si Alicia Nula, 40-anyos, isang labandera, at stay-in sa Parañaque Subdibision 5, Brgy. San Isidro, ng naturang lungsod.

Sa inisyal na ulat ng Parañaque Police, naganap ang insidente dakong alas-3 ng hapon nang bisitahin ni Godofredo ang dating ka­sintahan sa pag-asang magkakaayos pa sila makaraang makipagkalas ito.

Ngunit dahil sa lango sa alak, hindi naging maayos ang pag-uusap ng dalawa hanggang sa humantong sa mainitang pagtatalo. Dito bumunot ng patalim si Godo­fredo at itinutok kay Nula.

 Nakapagresponde naman kaagad ang mga tauhan ng Barangay San Isidro Police Community Precinct (PCP) na nakiusap na kusang-loob na sumuko.  Nang umpisahang undayan ng saksak ang babae, dito na nagpaputok ang mga nakapuwestong pulis sanhi ng kamatayan ni Godofredo.

Show comments