Miyembro ng ‘Commando’, sinundo ng kamatayan

MANILA, Philippines -  Natagpuang nakabulagta at naliligo sa sariling dugo ang isang 22-anyos na miyembro umano ng ‘Sigue-Sigue  Commando gang’ matapos itong sunduin ng tatlong lalaki sa kanilang bahay at pagbintangan na nagnakaw ng motorsiklo sa Tondo, Maynila, kama­kalawa ng gabi.

Nagtamo ng mga saksak sa ka­tawan ang biktimang si Richard Dignos, vendor at residente ng Masinop St., Tondo. Dati na rin umanong nakulong at nakalaya ang biktima.

Tinutukoy pa ng awtoridad ang pagkikilanlan ng tatlong lalaki na kumuha umano sa biktima, na pinaghihinalaang pumaslang dito. Ayon sa pulisya, dakong alas-9:45 ng gabi nang makitang walang buhay at tadtad ng saksak ang biktima sa panulukan ng Velasquez  at Capulong St., sa Tondo.

Sa naging pahayag ni Roberto, 54, ama ng nasawi, may  tatlong lalaki ang sumundo sa biktima at ilang sandali pa ay may nagbalita sa kanila na natagpuan itong patay.

Show comments