May-ari ng security agency, dedo sa tandem

MANILA, Philippines - Isang may-ari ng security agency ang nasawi makaraang pagbabarilin ng riding-in- tandem sa lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.

Si Willard Agaloos, 64, may-ari ng Pax Urbis Security Agency ay namatay dulot ng tama ng bala sa ulo at katawan.

Ayon sa pulisya, dalawang suspect na sakay ng isang motorsiklo at armado ng kalibre 45 baril ang sinasabing pumaslang sa biktima.

Nangyari ang insidente sa harap ng security agency ng biktima na nasa Ilang-ilang St., corner Lily St., Maligaya Park, Brgy. Pasong Putik, ganap na alas-11:25 ng gabi.

Ayon sa testigong si Daisy Flores, naglalakad sila ng kanyang tatlong kaibigan sa lugar nang makarinig sila ng tatlong magkakasunod na putok ng baril sa nasabing lugar.

Mula rito ay nakita nila ang isang kulay pulang motorsiklo na sakay ang dalawang lalaki na mabilis na humaharurot papalayo sa lugar at iniwang nakahandusay sa kalye ang duguang biktima.

Samantala, wala namang ibang maisip na dahilan ang pamilya ng biktima para patayin ito, maliban sa posibleng ang mga dating trabahador na sinibak nito sa trabaho.

Show comments