Sekyu dedo sa tandem

MANILA, Philippines - Isang security guard ang nasawi matapos barilin ng riding in tandem sa lungsod Quezon kamakalawa.

Hindi na umabot pang buhay makaraang isugod sa ospital si  Tadeo Talan, 33, dulot ng mga tama ng bala sa iba’t-ibang parte ng kanyang katawan.

Ayon kay PO2 Hermogenes Capili,  wala namang nakakita sa aktuwal na pamamaril sa biktima, subalit may CCTV camera umano sa lugar na maaaring makatukoy sa mga salarin.

Sa imbestigasyon, nangyari ang insidente sa tapat ng Corintian Village sa EDSA, malapit sa Ortigas Avenue, Brgy. Ugong, ganap na alas-10 ng gabi.

Pauwi na si Talan, 33, sakay ng kanyang Kawasaki rouser (6657-XP) motorcycle nang sumulpot ang isa pang motorsiklo lulan ang dalawang suspek at pagbabarilin ang una.

Kahit sugatan, nagawa pang makahingi ng tulong ng biktima sa security guard ng Corintian Village na si Danilo Gantiga Jr. at agad sinugod ng MMDA Rescue Team ang biktima sa Medical City Hospital pero idineklara din itong dead on arrival.

Ayon sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operations (SOCO), nagtamo ng tama ng baril sa kanang tenga, isa sa dibdib, at isa tiyan si Talan na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Patuloy na iniimbestigahan ng  pulisya ang krimen upang matukoy ang mga salarin at malaman ang dahilan ng kanilang pagpatay sa biktima.

Show comments