MANILA, Philippines - Dahil lamang sa ulam na lumpiang shanghai, nasaksak at napatay ang isang 34-anyos na lalaki ng kanyang kuya sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Namatay habang ginaÂgamot sa Tondo Medical Center ang biktimang si Cristobal Cabral, ng Romualdez St., Tondo, sanhi ng saksak sa likod.
Naaresto naman ang suspect na kuya nito na kinilalang si Cristino Cabral, 37, ilang oras matapos ang krimen.
Sa ulat ni PO3 Crispino Ocampo ng MPD-Homicide Section, dakong alas-2:00 ng hapon nang maganap ang pananaksak sa harapan ng bahay ng magkapatid.
Nabatid na noong Huwebes ng gabi, nagkainitan na ang magkapatid matapos sitahin ng biktima ang suspect hinggil sa kinaing lumpiang shanghai na nasa refrigerator. Sobrang galit umano ng biktima dahil para sa kanyang mga anak ang itinirang lumpia na pinapak umano ng suspect.
Upang mapahupa ang away, umalis ang suspect at nakitulog sa kaibigan at kinabukasan ng hapon ay umuwi ito subalit mainit pa rin ang ulo ng nakabaÂbatang kapatid at pinagmumura ito.
Unang nauwi sa suntukan hanggang sa paluin umano ng baseball bat sa binti at ulo ang suspect hanggang sa paglabas ng bahay ay nakakita ng kutsilyo sa tindera ang suspect na siyang ginamit sa pananaksak sa kapatid.