MANILA, Philippines - Muling tumaas ang presyo ng petrolyo sa bansa makaraang sabay-sabay uling magpatupad ng price hike ang mga kompanya ng langis kahapon dulot pa rin nang paggalaw sa presyo ng langis sa internasyunal na merkado.
Dakong alas-6 ng umaga nang sabay-sabay na magpatupad ng pagtataas ang mga kompanyang Pilipinas Shell, Petron Corporation, Chevron Philippines, Flying V at Total Gas Corp.
Sa kabila ng pagtanggi na walang monopolya sa langis, pare-parehong nagtaas ang mga kompanya ng P1.05 sa kada litro ng premium at unleaded gasoline, 75 sentimos kada litro ng regular gasoline.
Itinaas din ng mga ito ang presyo ng diesel at kerosene ng 45 sentimos naman sa kada litro.
Ito’y bunsod pa rin anila ng pagbabago sa presyuhan sa pandaigdigang pamilihan.
Matatandaang bago mag-Pebrero, nagtaas na ng halos P1 sa gasolina ang mga kompanya ng langis.
Ayon sa naturang mga kompanya, pataas umano ang galaw ngayon ng presyo ng krudo sa internasyunal na merkado na kanila namang sinasalamin sa lokal na pamilihan upang hindi malugi sa kanilang inaangkat.