96-anyos na lola, patay sa sunog
MANILA, Philippines - Isang 96-anyos na lola ang nasawi sa sunog na lumamon sa kanilang bahay sa lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni Quezon City Fire Marshall Bobby Baruelo, nakiÂlala ang biktima na si Sagundina Pascual na pinaniniwalaang na-suffocate sa usok mula sa nasusunog nilang tahanan sa Block 3, Lot 7, Sarsuela St., Brgy. Greater Lagro.
Sabi ni Baruelo, nagsimula ang sunog sa may ikalawang palapag na tinutuluyan ng nasawi sa bahay ng manugang nitong si Lidio Salvatierra, 66.
Dagdag ng opisyal, sa naÂturang sunog ay nagawa pang makapasok ng bumbero sa lugar at mailigtas ang matanda na isa na umanong bed-ridden mula sa ground floor ng kanyang kuwarto.
Naitakbo pa si Pascual sa Commonwealth Hospital, pero idineklara ring dead-on-arrival.
Bukod sa bahay ng Salvatierra, nadamay din ang isa pang residente sa lugar.
Nangyari ang sunog ganap na alas-5:47 ng hapon nang biglang maglagablab ang ikalawang palapag nito, partikular sa kuwarto ng anak ni Lidio na si Aaron.
Sabi ng kasambahay na si Mara Castillo, 19, nakita niya na nag-aapoy na ang cabinet sa kuwarto kung kaya mabilis siyang bumaba at kinuha ang limang taong gulang na anak ni Lidio na si Marlon na nasa sala.
Sa katarantahan at pagmamadaling makalabas ng bahay, nakalimutan ng kasambahay ang lola na ilabas ng kanyang kuwarto.
- Latest