7-buwang buntis, binugbog, tinangkang sunugin ng dating nobyo

MANILA, Philippines - Kulungan ang binagsakan ng isang mekaniko matapos na tangkain umano nitong patayin sa pamamagitan ng pambubogbog at tangkang pagsunog sa katawan sa dati niyang kinakasama na pitong-buwang buntis sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.

Si Alexis Reyes, 38, ng  Brgy. Cupang, Pandi, Bulacan ay naaresto sa isinagawang follow-up operation matapos ang tangkang pagpatay sa kanyang dating lover na si Monaliza Serpa, 19,  residente sa Lower Nawasa, Purok 6, Brgy. Commonwealth.

Sa imbestigasyon ng Women and Children’s Protection Desk (WCCP) ng Batasan Police Station, nangyari ang insidente ganap na alas-3 ng hapon habang ang biktima ay nasa loob ng kanyang bahay. Dito ay dumating ang suspect at kinompronta ang biktima para makipagbalikan pero tumanggi ang huli.

Dahil dito, nagalit ang suspect at sa kabila na ang biktima ay pitong-buwang buntis ay pinagbubogbog niya ito at pinaghahampas ng martilyo sa iba’t ibang parte ng katawan.

Hindi pa nakuntento sa kanyang ginawa, kinuha pa ng suspect ang plantsang mainit saka pinaso ang biktima sa suso at maselang parte ng katawan, sanhi para magtamo ng matinding sugat ang huli. Muli, hindi pa rin nasiyahan ang suspect sa ginawa, dinampot naman nito ang bote na may lamang gaas at ibinuhos sa biktima saka sinindihan ito para sunugin niya.

Bunga nito, at sa hindi makataong trato na naranasan ng biktima ay nawalan ito ng ulirat, sanhi para magpasya ang suspect na umalis na lang sa nasabing bahay at tumakas.

Ang sugatan at walang malay na katawan ng biktima ay natuklasan lamang ng kanyang bayaw na si Ramil Sanico na agad na nagtakbo sa una sa East Avenue Medical Center kung saan siya patuloy na inoobserbahan.

Show comments