Pulis utas sa hit-and-run

MANILA, Philippines - Utas ang isang pulis matapos itong  ma-hit-and-run ng  hindi pa mabatid na sasakyan sa Navotas City kahapon ng madaling araw.

Dead-on-arrival sa Tondo Medical Center ang biktimang si PO3 Edgardo Fernandez, 48, ng Brgy. NBBS ng naturang lungsod  at nakatalaga sa Northern Police District (NPD) sanhi ng tinamong  pinsala sa katawan at pagkabasag ng bungo.        

Kasalukuyang iniimbestigahan  pa ng Navotas City Police Traffic Bureau   kung anong uri ng sasakyan  ang nakasagasa dito.        

Base sa imbestigasyon ni P01 Reynaldo Segua,  naganap ang insidente  dakong alas-12:30 ng madaling-araw  sa kahabaan ng Road 10, Brgy.  Northbay Boulevard South ng naturang siyudad.

Nabatid  na habang minamaneho ni PO3 Fernandez ang kanyang Kawasaki motor (1473-N) at binabagtas  ang naturang lugar  nang  bigla itong salpukin ng hindi mabatid na sasakyan,  na nagresulta upang tumilapon ang biktima   ng ilang metro ang layo na naging dahilan ng agaran nitong  kamatayan. Dahil sa lakas ng pagkakabangga ay nawasak ang  motor na sinakyan ng biktima habang mabilis namang tumakas ang nakabundol na sasakyan.

Samantala, isa pang  50-anyos na matandang  lalaki ang naging biktima rin ng hit and run ng isang  rumaragasang bus sa Caloocan City kahapon ng umaga.

Dead-on-arrival  sa Manila Central University (MCU) Hospital sanhi ng mga tinamong pinsala sa katawan at ulo ang biktimang si Bernardo Fernandez,  residente ng Congressional Avenue, Quezon City .

Papatawid ang biktima sa nabanggit na lugar at hindi nitong namalayan ang paparating na humaharurot na bus na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Show comments