2 todas sa onsehan sa droga

MANILA, Philippines - Onsehan sa droga ang isa sa mga anggulo na tini­tingnan ngayon ng pulisya makaraang pagbaba­rilin hanggang sa mapatay ang  dalawang  lalaki kahapon ng madaling-araw sa Makati City.

Kapwa dead-on-the-spot ang mga biktimang sina Melvin Torredes, 33, may asawa, nakatira sa #3298 Pateros St., Brgy. Olym­pia at Nicko Presno, 29, residente ng Block 100, Lot 3, Jacinto St., Barangay Rizal, kapwa­ ng naturang lungsod.

Nagtamo ang mga ito ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nagsasagawa naman ng  follow-up operation ang  pulisya upang makilala ang mga suspect na mabilis na tumakas.

Sa imbestigasyon ng Station Investigation Division (SID), Makati City Police, naganap ang insidente dakong alas-2:52 ng madaling-araw  sa kahabaan ng Aguinaldo St., Brgy. Rizal, Makati.

Ayon sa live-in partner ni Torredes na si Marife de Jesus, nag-text kay Torredes si Presno, na makikipagkita sa kanila ang isang nag­ngangalang Rhey Paul Ginez alyas “Revo”, isa umanong tulak ng droga.

Makalipas ang  ilang oras ay nabalitaan na lamang ni De Jesus na binaril at pi­natay ang kanyang live-in na si Torredes at ang kaibigan nitong si Presno.

Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ang insi­dente at inaalam ang tunay na motibo.

Show comments