MANILA, Philippines - Labindalawang insidente ng sunog ang naitala ng Bureau of Fire Protection sa pagsalubong sa Bagong Taon sa Metro Manila.
Sa ulat na ipinarating kay BFP-National Capital Region P/Chief Supt. Santiago E. Laguna, ang nasabing rekord ay simula noong Dec 31, 2012 hanggang Enero 1, 2013, kung saan umabot sa P4 milyong halaga ng ari-arian ang napinsala.
Wala namang iniulat na nasawi subalit nasugatan ang isa sa miyembro ng pamatay-sunog na si FO2 Edgardo Medina ng Caloocan City.
Pito sa mga naganap na sunog ay pawang mga residential establishment tulad ng tatlo sa Quezon City, partikular sa Commonwealth na pinaniniwalaang nag-ugat sa sky lantern na lumamon ng may 15 bahay, isa sa Tondo, Manila at isa sa Marikina CIty.
Isang public utility bus ay isinama na rin sa bilang, makaraang masunog ito sa kahabaan ng Edsa sa panulukan ng Ermin Garcia Street, Quezon City kung saan umabot sa P1 milyon halaga ng ari-arian ang napinsala.
Kumpara noong 2011, simula Dec. 31, 2011 nakapagtala ang BFP ng may 21 insidente ng sunog hanggang Enero 1, 2012 na umabot sa P10 milyong halaga ng ari-arian ang natupok kung saan wala namang iniulat na nasawi.
Naging mababa ang bilang na naitalang sunog bunga na rin ng walang humpay na kampanya tulad ng motorcade sa lahat ng lansangan bilang paalala sa mga residente ang pag-iwas sa paputok.