Mag-utol kritikal sa naburyong na kapitbahay

MANILA, Philippines -  Kapwa nasa kritikal na kondisyon ang magkapatid na lalaki nang pagtatagain ito ng isa nilang kapitbahay na naburyong dahil sa labis na kalasingan kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Inoobserbahan sa Commonwealth Hospital  ang mga biktimang  sina Edilberto Espanillo, 46, nagtamo ng taga   sa ulo at leeg at ang kapatid nitong si  Enrique na nagtamo naman ng taga sa dibdib.        

Nakapiit na sa Caloocan City Police ang suspek na si   Marcelo Ramos, 44, kapitbahay ng mga biktima.

Ayon sa pagsisiyasat ng pulisya, naganap ang insi­dente dakong alas-9:00 ng gabi  sa Saint Bernadeth St., Camarin.        

Nabatid na lango sa alak ang suspek dahilan ng pagkaburyong nito, kung kaya’t inawat ito ni Edilberto.

Nagalit ang suspek at sandaling umalis ito at umuwi ng kanyang bahay at pagbalik nito ay may dala na itong jungle bolo.

Walang sabi-sabing pi­nagtataga ng suspek si Edilberto, dahilan upang sumaklolo si Enrique, subalit tinaga rin ito  ni Ramos.

Matapos ang insidente ay mabilis na isinugod ng kanilang kaanak ang magkapatid na biktima  at si Ramos naman ay inaresto ng mga pulis na rumesponde.

 

Show comments