MANILA, Philippines - Nagpaalala kahapon ang pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) sa publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpapasok ng anumang uri ng paputok o pailaw sa lahat ng kanilang istasyon bago o matapos ang Bagong Taon.
Sinabi ni LRTA spokesman Atty. Hernando Cabrera na hindi nila itinitigil ang pagpapatupad ng “no inspection, no entry policy” sa lahat ng kanilang istasyon sa LRT Line 1 (Roosevelt-Baclaran) at Line 2 (Santolan-Recto) upang hindi makalusot ang anumang uri ng pampasabog kabilang na ang mga paputok at anumang uri ng armas.
Matatandaan na kamakailan, iprinisinta ng LRTA ang higit sa 5,000 iba’t ibang uri ng mapanganib na armas (mula teaser guns hanggang stick ng bananaque) na kanilang nakumpiska sa loob ng dalawang taon na nakatakdang isuko sa Philippine National Police (PNP).
Sinabi ni Cabrera na hindi sila nagbababa ng alerto lalo na ngayong Disyembre para maproteksyunan ang nasa 750,000 pasahero nila kada araw. Nanawagan ito sa kanilang mga mananakay na panatilihin ang pasensya at isailalim ang sarili sa inspeksyon para na rin sa kanilang kaligtasan.
Ipinagmalaki nito na sumasailalim umano ang kanilang mga guwardiya sa regular na “seminars at refresher courses” sa pagkilala ng bomba, bala, at iba pang armas sa ilalim ng pagtuturo ng PNP-Special Action Force (SAF).
Sa kabila naman ng reklamo kamakailan ng isang estudyante na tinagurian sa social media na “Amalayer Girl”, iginiit ni Cabrera na dumaraan umano sa seminar ang kanilang mga guwardiya sa tama at magalang na pakikitungo sa mga pasahero.