MANILA, Philippines - Utas ang isang babaeng police asset matapos itong barilin ng tatlong beses sa ulo ng hindi kilalang suspek habang ang biktima ay naglalaba, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Charline Mae Gigantoca “alyas Jaja”, 27, ng Sitio Maligaya St., Brgy. Baclaran, Parañaque City.
Batay sa isinagawang imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas-7:30 ng gabi sa Bagong Cuneta St., Pasay City.
Nabatid na kasalukuyang naglalaba ang biktima kasama ang kanyang kaibigan na si Iglesirio Murillo sa naturang lugar nang biglang sumulpot ang armadong suspect at tatlong beses na binaril sa ulo ang una.
Natulala na lamang si Murillo sa insidente dahil sa biglaang pangyayari.
Patuloy na iniimbestigahan ang nasabing kaso at inaalam ng pulisya kung may kinalaman ito sa trabaho ng biktima bilang police asset.