Salpukan ng 2 motorsiklo: 3 patay, 1 sugatan
MANILA, Philippines - Patay ang tatlong katao habang nasa kritikal na kondisyon ang isa pa matapos magsalpukan ang dalawang motorsiklo, kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.
Dead-on-the-spot sanhi ng pinsala sa ulo at katawan sina Efren Dagooc Jr., 23; Carmelito Umadlao Jr., 25, kapwa ng Damong Maliit, Quezon City at Marden Borres, 17, ng Urban Homes, Bagumbong, Caloocan City.
Inoobserbahan sa East Avenue Medical Center si Peter Paul Dimataga, 17, ng Damong Maliit ng nasabing lugar.
Iniimbestigahan naman ng mga pulis si Jay Alcantara, 33, ng La Forteza, Camarin at driver ng isang jeep (NEW-149).
Sa ulat ng Caloocan City Police Traffic Bureau, naganap ang insidente dakong ala-1:30 ng madaling araw sa Camarin Road, Camarin, Caloocan City.
Nabatid na minamaneho ni Alcantara ang isang jeepney at si Borres naman ay nagmamaneho ng Yamaha (3177-TJ).
Dahil kapwa nila binabagtas ang nabanggit na lugar, nag-overtake si Borres kay Alcantara.
Hindi nakontrol ni Borres ang preno at sumalpok sa kasalubong na si Dagooc na angkas sina Dimataga at Umadlao sa Kawasaki Fury (1632-KJ).
Nagsalpukan ang dalawang motorsiklo na naging dahilan upang tumilapon ang mga ito ilang metro ang layo.
Dahil sa malagim na aksidente, kaagad na binawian ng buhay ang tatlo at si Dimataga naman ay mabilis na dinala sa nabanggit na ospital. Inaalam pa kung may pananagutan si Alcantara sa aksidente.
- Latest