MANILA, Philippines - Makaraan ang sunud-sunod na pagpapasibak sa mga ‘scalawags’, nangangailangan naman ngayon ang National Capital Regional Police Office (NCRPO) ng 224 mga bagong tauhan para pumuno sa mga posisyon na bakante pa ngayong 2012.
Sinabi ni NCRPO Director, Chief Supt. Leonardo Espina na hindi pa rin napupunan ang “supplemental quota” para sa kasalukuyang taon. Nasa 100 bagong pulis ang itatalaga sa NCRPO at 124 naman sa iba’t ibang istasyon.
Nagbuo na rin ang NCRPO ng “city at municipal ad hoc screening committees” na magpo-proseso ng “mandatory minimum requirements” at iba pang dokumento na isusumite ng mga aplikante.
Sinabi ni Espina na nais nilang makamit ang tamang “police-to-population ratio” at upang madagdagan ang bilang ng mga pulis na rumoronda sa kalsada.
Bukas ang posisyon para sa PO1 sa mga kuwalipikadong lalaki at babae na may Filipino citizenship, hindi bababa sa edad na 21 at hindi hihigit sa 30-anyos, may hawak ng anumang “Baccalaureate Degree” at may “good moral character”. Kailangan din na may sapat na “eligibilities” ang mga aplikante buhat sa National Police Commission (NAPOLCOM), Professional Regulatory Commission (PRC) at Civil Service Commission (CSC).