‘White lines’ inilatag ng MMDA sa Baclaran
MANILA, Philippines - Sa layuning mapaluwag ang kahabaan ng Redemptorist Road sa Baclaran, naglatag ng puting linya ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang makontrol ang espasyo na paglalagyan ng paninda ng mga vendors na naghahanapbuhay sa pamilihan sa Parañaque City.
Sa ipinatutupad na alituntunin, nagtalaga ang MMDA ng mga limitasyon sa mga lugar na paglalagyan ng paninda ng mga vendors at ginuhitan ito ng puting pintura. Kinakailangan na hindi lumagpas ang mga paninda ng mga tindero sa naturang linya upang may madaanan ang mga sasakyan at ang tao.
Plano rin ng ahensya na magpatupad ng “rotating schedule” o palitan ng oras ng pagtitinda sa mga vendors upang hindi nagsisiksikan ang mga ito sa kalsada. Nais din ng MMDA na maglagay ng mga barikada at magpatupad ng ID system para makilala ang mga lehitimong vendors sa mga iligal.
Ngunit ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, marami talaga sa mga iligal vendors ang nais na makalamang sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga pekeng ID. Iginiit nito na ang kalsada ay pagmamay-ari ng taumbayan at hindi maaaring paupahan.
Matatandaan na may ilang taon nang nilalabanan ng grupo ng lehitimong mga may-ari ng puwesto ang mga iligal vendors na naghahari sa Baclaran na may basbas umano ng ilang maimpluwensyang opisyal.
Maging ang parokya ng Simbahan ng Baclaran ay kinalampag din ang pamahalaang lokal ng Parañaque dahil sa pagpapasa ng ordinansa kada taon na pinapayagan na magkaroon ng “flea market” sa Redemptorist Road sa paligid ng simbahan.
- Latest