MANILA, Philippines - Dedo ang isang pinaghihinalaang karnaper at tatlo naman ang nadakip matapos na makipagbarilan ang mga ito sa mga pulis kamakalawa sa Caloocan City.
Dead-on-the-spot ang suspek na kinilala lamang sa pangalang “alias Owel”, nagtamo ito ng ilang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Samantala, kinilala naman ang mga nadakip na sina Sandro Santiago; Jake Linasan at Jimmy Balasta.
Naganap dakong alas-4:30 ng hapon sa Kiko St., Suburban Village, Brgy. 178, Camarin, Caloocan City.
Ayon sa ulat, bago naganap ang insidente ay nakatanggap ng impormasyon ang mga pulis, na magkikita ang mga suspek sa nabanggit na lugar at magsasagawa ng illegal na operayon kaya’t isang team ng Caloocan City Police ang dineploy upang tumutok laban sa grupo ng mga karnaper.
Nabatid na nakatunog ang mga suspek na parating ang mga pulis, kung kaya’t kaagad nila itong pinaputukan at gumanti naman ng putok ang nasabing mga alagad ng batas.
Tumagal ng ilang minuto ang barilan na nagresulta sa agarang pagkasawi ng isa sa mga suspek habang naaresto naman ang tatlong kasamahan nito.