Nagpiyansa pero dinakma uli

MANILA, Philippines - Dalawang ulit na dinakip sa loob ng isang araw ang 21-anyos na lalaki matapos maglagak ng piyansa ay muli siyang dinakip sa iba pang kasong kriminal sa Binondo, Maynila, kamakalawa ng hapon. Sa Manila City Jail ang bagsak pa rin ng suspek na si Joel Salajendro ng Area C, Parola compound sa nasabing lugar.

Sa ulat ni P/Chief Insp. Arturo Paras, hepe ng Manila District Special Operation Unit, dakong alas-5 ng hapon kamakalawa  nang mu­ling dakpin ang suspek sa Parola compound.

Sa isinagawang anti-criminality operation ng DSOU, naaresto si Salajendro sa pagda­dala ng cal.38 revolver dakong alas-11:20 ng umaga sa Gate 54 ng Parola compound at nang makulong ay naglagak ng piyansa para makalaya pansamantala.

Nang beripikahin ni P/Chief  Insp. Edgardo Carpio, deputy chief ng DSOU, nakita sa rekord na may standing warrant of arrest si Salajendro sa Manila Regional Trial Court Branch 3, at Regional Trial Court (RTC) ng Eastern Samar dahil sa kasong frustrated murder. Dito muling dinakma ng mga opera­tiba ng pulisya ang suspek.

Show comments