Hardware grinanada: 5 sugatan
MANILA, Philippines - Lima-katao ang iniulat na nasugatan matapos sumabog ang granada na inihagis ng di-kilalang lalaki sa harapan ng hardware sa bahagi ng EDSA, Cubao, Quezon City kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Quezon City Police Station 10, kinilala ang mga sugatan na sina Manuel Melano, 26; Niño Espina, 24; Catherine Esquivel, 36; Rommel Simporios, 26; at si Felicidad Orencio, 21, pawang ginagamot sa East Avenue Medical Center.
Naganap ang pagsabog sa harap ng Everest Lumber Hardware sa Brgy. Immaculate kung saan nabasag ang tatlong bintana sa gawing kanan ng Nafti Transport Bus Liner (TYP-672) at na-flat pa ang gulong nito.
Ayon kay P/Insp. Noel Sublay ng Explosive Ordnance Division, ang pagsabog ay nagdulot ng malalim na uka na sinasabing may anim na pulgadang diametro.
Narekober sa pinangyarihan ng pagsabog ang safety lever, mga fragments, splintered fragments na bahagi ng metal object.
Kasunod nito, inimbitahan ng pulisya ang tatlong kalalakihang sina William Balasbas, Romeo Madilar at Romnick Intia para isailalim sa imbestigasyon subalit hindi naman itinuturing ang mga ito na suspek.
Sinisilip ng pulisya ang naganap na kaguluhan noong Lunes na kinasasangkutan ng ilang kalalakihan.
- Latest