MANILA, Philippines - Nadakip ng mga tauhan ng Taguig City Police ang isang taxi driver na itinuturong gumahasa sa 19-anyos na dalaga na kanyang pasahero, kamakalawa ng umaga sa naturang lungsod.
Nakilala ang nadakip na suspek na si Jonar Ibañez, 38, ng Angeles Compound, Tunasan, Taguig City.
Sa salaysay ng biktimang itinago sa pangalang Angeli, estudyante, sumakay siya sa taxi na minamaneho ng suspek noong gabi ng Nobyembre 12 buhat sa bahay ng kanyang kaibigan sa BF Homes, Parañaque at nagpahatid sa kanyang tahanan sa South Signal Village, Taguig.
Ngunit habang bumibiyahe sa may C6 Road, itinabi ng suspek ang taxi sa tago at madilim na bahagi ng kalsada at saka siya ginahasa. Wala umano siyang magawa dahil sa pagbabanta sa kanyang buhay ng salarin.
Matapos na makaraos, tinangay rin ng suspect ang pera at iba pang mahahalagang gamit ng biktima bago ibinaba ito sa isang lugar sa Taguig. Nang makauwi na ang biktima ay agad na sinabi nito sa kanyang pamilya ang nangyari sa kanya.
Nagsagawa naman ng follow-up operation ang mga tauhan ng Taguig Police na nagresulta sa pagkakadakip ng suspek sa kanyang tinitirhan sa Brgy. Tunasan.
Nakaditine ngayon si Ibañez sa Taguig Detention Cell at nahaharap sa mga kasong panggagahasa at robbery.