MANILA, Philippines - Sakay sa kanyang minamanehong tricycle ang isang lalaki nang pagbabarilin at mapatay ng hindi pa tukoy na salarin sa lungsod Quezon kamakalawa.
Isang tama ng bala sa leeg at isang tama pa sa kaliwang balikat ang natamo ng biktimang si Russel Galang, 23, ng Steve St., Brgy. Commonwealth sa lungsod na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Blangko pa ang pulisya sa pagkakakilanlan ng salarin.
Nangyari ang insidente sa harap ng Lucio’s store na matatagpuan sa Don Fabian St., ng nasabing barangay ganap na alas-7 ng gabi.
Sinabi ni Lucio Libelo, residente sa lugar, nasa loob siya ng kanyang bahay at naghuhugas ng pinagkainang pinggan nang makarinig siya ng dalawang malakas na putok sa labas ng kanyang bahay.
Nang kanyang tignan ang pinagmulan ng mga putok, natagpuan niya ang biktima habang duguang nakahandusay sa pinasadang tricycle.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operations (SOCO) narekober sa pinangyarihan ng krimen ang dalawang basyo ng kalibre 45 baril na ginamit ng mga suspect sa pagpatay sa biktima.
Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad upang matukoy ang motibo ng mga suspect sa pamamaslang sa biktima.