MANILA, Philippines - Matapos ang limang taong pagtatago, nadakip ng mga tauhan ng Manila- City Hall Public Assistance (CHAPA) ang isa sa dalawang suspect sa panggagahasa sa isang babae na noo’y menor-de-edad sa Sta. Cruz, Maynila noong 2007.
Kinilala ni Manila CHAPA chief, Sr. Insp. Rolando Lorenzo, Jr. ang suspect na si Christian Cardenas, alyas King, 23, tricycle driver at naninirahan sa #1826 Felix Huertas St., Sta. Cruz, Maynila habang nagtatago pa rin ang kasamahan nitong nakilalang si Jeffrey Maguirre.
Ang pagkakadakip sa suspect na si Cardenas ay batay sa warrant of arrest na inilabas ni Manila RTC Judge Celestina Mangrobang ng Branch 38. Ang mga suspect ay inireklamo ng panggagahasa ng biktimang itinago sa pangalang Susan, 19, ng Sta. Cruz, Maynila.
Ayon kay Lorenzo, nagtungo sa kanilang tanggapan ang biktima kasama ang ina nito upang ipatupad ang nasabing warrant of arrest.
Agad na bumuo ng grupo si Lorenzo na kinabibilangan nina Sr. Insp. Raymundo Regala, SPO1 Rosendo Ascaño, PO3 Adolf Tagufa, PO3 Christian Balais, PO3 Wilfredo Magbitang, PO2 Joel Ascaño, PO2 Noli Pineda, PO2 Jonathan Acido, PO2 Herminio Bautista, PO2 Renato Salinas, PO1 William Aniel at PO1 Christopher Razon.
Dakong alas-2 ng hapon kamakalawa ay positibong itinuro ng biktima si Cardenas na noo’y naglalaro ng chess sa panulukan ng P. Guevarra at Malabon Sts.
Hindi naman nanlaban ang suspect kung saan pinayuhan itong manahimik habang patungo sa Ospital ng Maynila.