MANILA, Philippines - Anim na preso ang nasugatan makaraang sumabog ang isang granada sa loob ng maximum security compound ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa City, kahapon ng madaling-araw.
Sa inisyal na ulat ng Muntinlupa City Police, dakong alas-5:55 ng umaga nang maganap ang pagsabog sa tapat ng Building II. Isinugod sa NBP Hospital ang mga sugatang sina Jeric Diogilo, Cabas Lastimoso, Ronnie Franco, Nilo Garin, Fernando Montemayor at Eddie Boy Oson.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Muntinlupa City Police, sinabi ni Sr. Supt. Conrad Capa, naganap ang pagsabog habang nagdya-jogging ang ilang preso. Sinadya umano ang paghagis ng granada ngunit hindi pa tiyak ang motibo.
Kabilang sa mga anggulong tinitingnan ang away ng sinasabing mga sindikato ng iligal na droga sa loob ng bilangguan. May ulat na dalawang bigtime drug dealer na nakaditine sa maximum security compound ang nagdya-jogging at target ng granada ngunit nalihis ang hagis kaya bumagsak ito sa gusali at doon sumabog.
Ayon pa sa ulat, tanging ang mga grupong Batang City Jail, Sigue Sigue Sputnik at Sigue Sigue Commando lamang ang may mga kapabilidad na magsagawa nito sa loob ng Bilibid.
Sinabi naman ni NBP Superintendent Ramon Reyes II na hawak na nila ang isang preso na suspek sa paghahagis ng granada makaraang inguso umano ito ng mga kapwa preso. Ikukumpara ito sa nakuhang footage mula sa nakakabit na “closed circuit television camera (CCTV)” sa naturang lugar.
Kasunod nito, sinuspinde ng pamunuan ng Bureau of Corrections ang visitation rights sa mga bilanggo habang nagsasagawa ang mga awtoridad ng masusing imbestigasyon.
Ipinag-utos na rin ng Department of Justice ang masusing pagsisiyasat sa insidente para alamin kung paano naipasok sa loob ng bilangguan ang granada.