MANILA, Philippines - Masuwerteng nakaligtas sa kamatayan ang isang retiradong pulis, asawa nito kasama ang isang kaibigang babae matapos na ambusin ng dalawang armadong suspect sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ayon sa ulat ng Quezon City Police Station 6, ang mga biktima ay kinilalang sina Eduardo Valle, 47, retired PNP, asawang si Czarina Valle, 42, kapwa residente sa Francisco Homes City, SJDM; at Freda Gallego, 39, ng Cielito Homes, Brgy. 177, Camarin, Caloocan City.
Sinabi ni SPO2 Diosdado Peralta, ang tanging nagtamo ng matinding tama ng bala ay sina Czarina at Freda, kapwa nasa lending company habang hindi naman nasugatan ang retiradong pulis.
Ang dalawang sugatan ay agad na itinakbo sa Far Eastern University Hospital kung saan sila nilapatan ng lunas.
Lumilitaw sa pagsisiyasat na nangyari ang insidente sa kahabaan ng Commonwealth Ave. malapit sa Tullahan Bridge, Brgy. North Fairview ganap na alas-9 ng gabi.
Bago ito, minamaneho ng retiradong pulis na si Eduardo ang kanyang kulay gray na Toyota Innova (PIJ-994) katabi si Czarina habang nasa likod naman si Freda nang pagsapit sa naturang lugar ay sumulpot ang mga suspect.
Sa hindi inaasahang pangyayari, biglang pinaputukan ng mga suspect ang mga biktima, pero nakuhang makadapa agad ng retiradong pulis, subalit minalas na tamaan ang dalawang kasama nito.
Matapos ang pamamaril ay agad na sumibat papalayo ang mga suspect, habang itinakbo naman sa naturang ospital ang mga sugatang biktima.
Hinala ng awtoridad posibleng may kinalaman sa negosyo ang naturang pananambang.