6 na miyembro ng ‘Ipit gang’, timbog

MANILA, Philippines - Anim na miyembro ng “Ipit Gang” na nambibiktima ng mga pasahero sa pampublikong bus ang iniulat na nadakip ng mga tauhan ng binuong Task Force Takipsilim ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa magkakahiwalay na ope­rasyon sa EDSA.

Sa ulat ni TF Takipsilim chief, retired General Maximo Dilla, kinilala ang mga inaresto na sina Jaymar Adanza, 28; Ramil Ramos, 23; Arvin Cainglet, 24; Alex Cuadra, 24; Jun Puerto, 42, at Eric Guiroy.

Ayon kay Dilla, naaresto ang mga suspek sa loading bay ng isang bus makaraang pagnakawan ang biktimang si Allan Ondit, 28-anyos, isang account executive habang lulan ng isang Fermex bus.  Sinabi ni Ondit na inipit siya ng limang lalaki pagkasakay niya ng bus at dinukot sa kanyang bulsa ang kanyang Apple iPhone 4S.

Agad na bumaba ng bus si Ondit at humingi ng saklolo sa mga tauhan ng MMDA sa loading bay na humabol at umaresto sa limang suspek habang narekober ang dinukot na cellular phone na nagkakahalaga ng P30,000.

Sa isa pang insidente noong Nobyembre 2, naaresto naman ng Task Force si Guiroy na isa sa apat na lalaki na nambiktima sa isang janitor sa loob ng AC Trans Bus sa bus stop  sa EDSA-Ortigas Avenue.

Show comments