MANILA, Philippines - Dumulog sa tanggapan ng Commission on Human Rights ang isang 38-anyos na lalaki na sinasabing nakaligtas sa salvage sa kanya ng limang pulis na nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD).
Si Rommel Solarte, 38, ng Brgy. Pansol sa lungsod kasama ang kanyang ina ay nagtungo sa CHR upang humingi ng ayuda hingil sa umano’y pagkakaligtas nito sa tangkang pagpatay sa kanya ng limang kagawad ng QCPD-PS9. Itinuro nito sina PO1 Glen Laron, SPO1 Alejandro Dano-og, SPO1 Mando Rivera, SPO1 Jose Agob at PO1 Jomar Torrapiel.
Sinabi ni Solarte na isinakay umano siya sa isang mobile car ng mga pulis habang naghihintay ng masasakyan sa may bahagi ng Philcoa, bago inilipat sa isa pang sasasakyan.
Dito binalutan umano si Solarte ng masking tape sa buong mukha at leeg, saka itinali ng alambre ang kamay, at pagbabarilin. Sumunod nito, sa pag-aakalang patay na si Solarte ay iniwan ito ng mga pulis subalit nakagapang ito hanggang sa makita ng ilang istambay at dinala siya sa East Avenue Medical Center.
Sinabi naman ni QCPD director Chief Supt. Mario dela Vega na nakahanda silang imbestigahan ang alegasyon ng salvage at bagamat wala pang ipinapadala ang CHR na reklamo ni Solarte kung kaya ang inisyal na kanyang gagawing aksyon ay ipatawag ang lahat ng posibleng sangkot upang malaman kung ano ang tunay na isyu hinggil dito.