99-anyos na lola, patay sa sunog
MANILA, Philippines - Isang 99-anyos na lola ang natusta matapos masunog ang bahay nito dahil sa natumbang gasera kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Kinilala ni Senior Fire Officer 4 Randy Resureccion, hepe ng Investigation Division ng Caloocan City Bureau of Fire ang nasawing biktimang si Inocencia Oflada, dalaga, residente ng Sitio Matarik, Brgy. 175 ng nabanggit na siyudad.
Ayon sa inisyal na pagsisiyasat, naganap ang insidente dakong alas-7:30 ng gabi sa bahay ng biktima sa nabanggit na lugar.
Nabatid na mag-isa lamang ang biktima sa bahay nito dahil ang kasama nitong apo sa pamangkin ay nasa trabaho.
Nabatid na kagagaling lamang ng biktima sa pagpapalimos at habang nagbibilang ng mga barya ay gamit nito bilang liwanag ay gasera lamang, subalit natumba dahilan ng pinagmulan nang pagsiklab ng apoy.
Dahil sa hindi makakilos ang biktima sanhi ng sobrang katandaan ay na-trap ito sa loob ng kanyang bahay hanggang sa masunog.
Tanging ang bahay lamang ng matanda ang natupok ng apoy at walang iba pang nadamay.
- Latest