Magkaibigan, nagkapikunan: 1 patay

MANILA, Philippines - Nasawi ang isang 21-anyos na binata makaraang barilin ng kaibigan nito matapos magkaasaran, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.

Hindi na umabot pang buhay sa Pasay City General Hospital ang biktimang nakilalang si Jonathan Custodio, residente ng Vergel Street, sa naturang lungsod.  Nagtamo ito ng tama ng bala buhat sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa dibdib.

Pinaghahanap naman ngayon ang tumakas na suspek na nakilalang si Mark Anthony Viologo, at residente rin ng naturang lugar.

Sa ulat ng Pasay City Police, dakong ala-1 ng madaling-araw nang maulinigan ng mga kapitbahay na nagkakantiyawan ang dalawang magkaibigan sa harap ng bahay ng biktima. Nauwi umano ito sa malalakas na sagutan at murahan hanggang sa umuwi ang suspek.

Pagbalik nito, armado na si Viologo ng baril at agad na binaril nang malapitan ang kaibigan na nagresulta sa kamatayan nito.  Mabilis namang tumakas ang suspek dala ang armas na ginamit sa krimen.

Ayon sa mga opisyales ng barangay, matalik umanong magkaibigan sina Cus­todio at Viologo na magkasangga pa kapag napapaaway sila ngunit nasira lamang dahil sa kantiyawan.

 

Show comments