Traffic enforcer, lasog sa bus

MANILA, Philippines - Patay ang isang  traffic enforcer ma­tapos itong mabundol ng pampasaherong bus habang sakay sa kanyang motorsiklo sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Dead-on-arrival sa Manila Central University Hospital sanhi ng pinsala sa ulo at katawan ang biktimang si Arturo Tambolero, 52, ng Reform Department of Public Safety and Traffic Management ng Caloocan City at residente ng Milagros St., Bagong Barrio ng nabanggit na  lungsod.

Sumuko naman sa mga pulis ang suspek na  si Rolly Lozares, 32, ng Old Balara, Quezon City at driver ng Commuters Bus Corp. (UVG-681).

Sa report ng Caloocan City Police Traffic Bureau, naganap ang insidente dakong alas-11:00 ng  gabi  sa panulukan ng EDSA at Malvar Sts., ng nabanggit na lungsod. Minamaneho ng suspek ang kanyang motorsiklo habang papatawid ito ay paparating naman ang bus na minamaneho ng suspek.

Huli na bago nakontrol ang preno dahil nabundol  na nito ang biktima  hanggang sa tumilapon ito kasama ang kanyang motorsiklo.

Mabilis na isinugod ang biktima sa nabanggit na pagamutan, subalit hindi naman nakarating nang buhay at ang suspek naman­ ay nasa custody ng pulisya.

Show comments