Kelot utas sa parak sa loob ng KTV bar

MANILA, Philippines - Patay sa pamamaril ang isang lalaki matapos umanong makipag-usap sa isang pulis sa loob ng isang KTV bar  sa  Malate, Maynila,  kamakalawa ng gabi.

Hindi na nagawang ma­isalba sa Philippine General Hospital ang buhay ng  bik­timang nakilalang si Jerry Pazalba, nasa 30-hanggang 35 anyos  at residente ng Cavite City dahil sa tinamong  tama ng bala sa katawan.

Isang PO2 Allan de Leon, 41, nakatalaga sa MPD-Pedro Gil Police Community Precinct (PCP) ng Ermita Police Station 5 at residente ng San Pedro Laguna, ang itinuturong suspect sa krimen.

Sa ulat ni SPO3 Gerardo Rivera ng MPD-Homicide Section, dakong alas-3:45 ng hapon nang maganap ang naturang  insidente sa Room 4, ng Music 21 KTV Bar na matatagpuan sa panulukan ng A. Mabini at General Malvar­ Sts., sa Ermita.

Sa inisyal na ulat, nakita si PO2 De Leon na kausap ang biktima at nagtanong pa umano kung may bakanteng kuwarto sa nasabing bar.

Nang mabigyan ng Room 4, pumasok umano ang da­lawa at hindi  pa man gaanong nagtatagal sa loob ng cubicle room, nakitang lumabas si PO2 De Leon, saka umano ito humingi ng tulong  sa isang Arnold Mercado, na nakatalagang security guard ng bar.

Kasama ang isang SPO1 Glen Macadangdang ang umano’y nagtulong para mailabas ng Room 4 ang biktima, saka nila ito isinakay sa kulay itim na Mitsubishi adventure (NQL 713), para isugod sa nasabing ospital, ngunit hindi na umano ito umabot ng buhay.

Patuloy pa ang imbestigasyon sa kaso habang pinag­hahanap pa si PO2 De Leon.

 

Show comments