International financial crime syndicate sa Pinas, buking

MANILA, Philippines - Ibinulgar kahapon ng  PNP-Criminal Investigation Group (PNP-CIDG) at Anti-Money Laundering Council (AMLAC) ang isang ‘international financial crime syndicate’  na nag-ooperate sa bansa at sangkot sa pambibiktima  ng aabot na sa bilyong  halaga sa mga dayuhang negosyante.

Sa ginanap na press briefing kahapon sa Camp Crame, sinabi ni PNP-CIDG Chief P/Director Samuel Pagdilao Jr., na pakay ngayon ng mala­wakang manhunt operation ang mga lider ng sindikato na sina Ah Chai Teo alias Aceteo, Singa­porean; Huang Chen alyas Patrick Hwang, Taiwanese;  Lim Hoi Chung alyas Ronald Lim, Hongkong-British national; Chen Qwee Khai alyas Justin Chang, Singa­porean; Chen Zhi Quiang alias Jason Tan, Chinese; at mga ka­sabwat na Pinoy na sina Romy Diaz Flores, ret. Chief Inspector Guerrero Villacorta, Maryann Vasquez Basan, Pacido Ramos at Janet Villareal.

Ayon kay Pagdilao ang mga ito ay sinampahan na rin ng kasong syndicated estafa kung saan nabulgar ang ilegal na operasyon ng sindikato matapos na lumantad at magreklamo sa mga awtoridad ang kanilang mga dayuhang biktima.

Bukod dito, pina-freeze” na rin ang may 150 bank account  ng mga suspect mula sa 20 mga banko sa Metro Manila at ipina-blacklist na rin ang mga ito sa Bureau of Immigration and Deportation (BID).

Inihayag rin ng opisyal na makikipagtulungan sila sa International Police (Interpol ) upang maaresto ang mga suspect matapos na ilan sa mga ito ay madiskubreng tumakas na sa Pilipinas.

Inihayag ni Pagdilao na sampung taon na ang operasyon ng sindikato kung saan  kabilang sa nabiktima ng mga ito ay isang Chinese national na si Lin Shang Yin may-ari ng High Apex Group na nakabase sa Guangdong, China.

Sinabi ni Pagdilao na sa tulong ng AMLAC ay natukoy ng PNP-CIDG ang mga kompanya na  gina­gamit na “front” ng mga  sindikato na Jaijan Metal Trading, Swan Care Metal Trading, Jaired  Metal Trading­ Milescrap Trading, Nirvana Metal Trading kabilang rin ang Octagen, Maabilidad at Billet.

Ang modus operandi ng sindikato na nag-aalok ng mga “scrap copper wire” sa pamamagitan ng internet  sa mababang halaga upang maka-enganyo ng mga dayuhang negosyante.

Samantalang  sanda­ling makumbinsi ang mga potensyal na mga dayuhang negosyanteng target at sa sandaling mapirmahan ang kontrata ang mga kalakal ay ikakarga sa container  para sa shipment sa presensiya ng buyer. Matapos na maikarga ay magbabayad ng  kalahati ng presyo ng kalakal at ang ba­lanse naman ay pag­dating sa destinasyon ng kalakal habang babalik naman ang biktimang dayuhan sa kanyang bansa upang ayusin ang kabuuang kabayaran sa napagkasunduan.

Lingid sa kaalaman ng biktima sa pag-alis nito sa bansa ay pinapalitan  ng sindakato ang laman ng container ng mga  graba at basura  at matutuklasan na lang ito ng biktima pagda­ting sa kanilang bansa.

Sa kasalukuyan, ayon kay Pagdilao ay hinihintay na lamang ng PNP na maipalabas ng korte ang warrant of arrest upang maaresto ang mga suspect.

 

Show comments