MANILA, Philippines - Nasa P10 ang idadagdag sa pasahe ng Metro Rail Transit 3 umpisa sa susunod na taon, ayon kay Department of Transportation and Communications Secretary Jun Abaya.
Sa kanyang unang punong balitaan, sinabi ni Abaya na ang dagdag-pasahe na matagal nang plano ng pamahalaan ay bunsod ng pagbabawas sa subsidiya na ibinibigay ng pamahalaang nasyunal sa MRT.
Idinipensa ni Abaya ang naturang pagtataas ay mas mababa pa rin umano kumpara sa P45 na pasahe sa bus kung bibiyahe mula North Edsa sa Quezon City hanggang Taft Avenue sa Pasay.
Iginiit nito na umabot na sa napakalaking P75 bilyong pondo ng pamahalaan ang nagastos sa subsidiya para sa MRT at Light Rail Transit Line 1 at 2 sa loob ng 10 taon. Kinuwestiyon ito ng mga politiko buhat sa mga lalawigan dahil sa pawang mga taga-Metro Manila lamang ang nabibiyayaan sa naturang subsidiya.
Samantala, anim na kompanya na ang nagsumite ng “pre-qualification documents” para sa bidding sa LRT Line 1 Cavite Extension Project ng DOTC. Ang naturang mga kompanya ay ang DMCI Holding Inc., Ecorail, Light Rail Manila Consortium, Luzon Rail Transit System, MTD-Samsung Consortium, at San Miguel Infrastructure Resources Inc.
Nagkakahalaga ang proyekto ng P30 bilyon kung saan paaabutin ang LRT 1 hanggang Cavite mula 20.7 kilometro hanggang 32.4 kilometro.