EDITORYAL - Kaduda-dudang pagkamatay
MARAMING nagdududa sa pagkamatay ni Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr. habang nasa provincial jail sa Baybay City. Isa si Sen. Panfilo Lacson sa hindi makapaniwala sa pagkamatay ni Espinosa kaya hihilingin niya kay Sen. Richard Gordon na ituloy ang imbestigasyon ng Senado ukol sa extra-judicial killings. Isa nga sa bubusisiin ay ang misteryosong pagkamatay ng mayor.
Maraming katanungan kung paano napatay ang mayor gayung nasa custody na ito ng mga awtoridad. Ayon sa report, nanlaban daw ang mayor at ang kasama nitong inmate nang isilbi ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang search warrant dakong alas kuwatro ng madaling araw noong Linggo. Umano’y may nangyayaring bentahan ng shabu sa jail at mayroong baril si Espinosa. Nakakuha umano ng ilang sache ng shabu at baril sa selda ni Espinosa makaraan ang barilan.
Kung totoong may baril at shabu sa selda, dapat imbestigahan ang in-charge sa provincial jail kung paano naipasok ni Espinosa ang baril at shabu. Bakit hindi naki-coordinate ang jailer sa CIDG sa pagsi-serve ng search warrant. Isa ring nakapagtataka ay kung bakit nawawala ang footage ng CCTV. Umano’y inalis na ang disc ng CCTV bago pa ang barilan umano sa jail.
Ang pangyayari ay naghahatid naman ng pangamba sa mga sumusukong drug suspect sapagkat hindi rin pala sila ligtas kahit sa loob ng jail. Si Espinosa ay isa sa mga pinangalanan ni Pres. Rodrigo Duterte na sangkot sa illegal drugs. Kusa namang nagtungo si Espinosa sa Camp Crame at itinangging may kinalaman siya sa droga. Ang kanyang anak daw na si Kerwin ang sangkot sa illegal drugs. Hinimok niya ang anak na sumuko. Naaresto si Kerwin sa Abu Dhabi, UAE at nakakulong pa roon.
Sabi ng Philippine National Police (PNP), mananagot ang mga may kasalanan sa pagkamatay ni Espinosa. Magkakaroon daw nang malalimang imbestigasyon dito. Dapat lang sapagkat mabubutasan sila rito. Kamakailan lang, napatay ang isang mayor sa Datu Saudi Ampatuan at siyam nitong bodyguard dahil nanlaban daw sa checkpoint. Marami rin ang nagdududa rito. Kapag hindi lumantad ang katotohanan sa mga kahina-hinalang patayang ito, mawawalan ng silbi ang kampanya sa illegal na droga.
- Latest