Probinsyana
Dear Dr. Love,
Tawagin mo na lang akong Melay, 20 anyos. Natapos ako ng third year high school sa probinsya at dahil sa kahirapan ay lumuwas ako ng Manila at namasukan bilang kasambahay.
Salamat sa Diyos at napunta ako sa mga among mabait at mayaman. Negosyante sila. Isang taon pa lang akong nagsisilbi sa kanila ay kumuha sila ng isa pang kasambahay dahil gusto akong papag-aralin. Tinatapos ko ngayon ang senior high at sabi ng mga amo ko ay papag-aralin daw ako sa kolehiyo.
Kaso, dahil tipikal ako na mukhang probinsyana, binubuli ako sa eskuwela. Minsan tuloy ayaw ko nang pumasok.
Ano ang gagawin ko?
Melay
Dear Melay,
Huwag mong pansinin ang mga nambubuli at huwag kang paaapekto sa panlalait nila. May magandang pangarap para sa iyo ang iyong mga amo kaya huwag mo silang bibiguin.
Pagbutihan mo ang pag-aaral upang mag-excel ka at hindi ka insultuhin ng mga kaklase mo. Tutal pulos mapanlait lang na salita ang ibinabato sa iyo, palampasin mo na lang.
Kung may pisikal na pananakit, magsumbong ka na sa mga school officials.
Hangga’t walang nagaganap na pana-nakit, tiis-tiis lang at kapag nakatapos ka ay mawawala na iyan.
Ang importante ay makapagtapos ka ng kolehiyo upang gumanda ang kinabukasan mo.
Dr. Love
- Latest